Ngayon lang to.
‘Yung sa bawat tunog ng telepono ko dinarasal ko na sanay pangalan mo ang makita ko.
‘Yung sa bawat kantong dinadaanan ko pauwi ay may nananariwang alaala mo.
‘Yung tipong lahat na lamang ng makakasalubong ko ang tingin ko’y may hawig sayo.
Ngayon lang to.
‘Yung ultimo kursong tinapos mo nakabandera sa plaka ng jeep na sasakyan ko.
‘Yung pati pagkaing oorderin ko nakabase pa rin sa mga pagkaing paborito mo.
‘Yun bang kahit gaano ka-importante yung ginagawa ko ay hindi ka pa rin talaga mawaglit sa isipan ko.
Ngayon lang to.
‘Yung sa tuwing may makakasalubong akong magnobyo, nananabik akong muling mahawakan ang mga palad mo.
‘Yung sa tuwing uuwi ako ng madaling araw naaalala ko kung paanong bumabagal ang oras kapag ika’y kapiling ko.
‘Yun bang kahit mag “reverse bittering” ako alam kong gustong gusto talaga kita at ang buong pagkatao mo.
Ngayon lang to.
Dahil sariwa pa sa puso at isipan ko iyong kasiyahan na dulot sa akin ng presensya mo.
Ngayon lang to.
Kaya naman nanamnamin ko at paulit-ulit na babalikan lahat ng masasayang alaala mo dahil alam kong di magtatagal ay lilipas din ‘to.